Isa rin ito sa mga librong kinalakihan ko na at tumatak din sa akin. Kung tatansyahin, siguro ako’y siyam na taong gulang noong binasa at pinanood ko ito. Sa totoo lang, kinailangan ko itong basahin para sa asignatura ko noon pero nang dahil doon, natutunan ko itong gustuhin. Lalo na noong pinanood sa amin yung pelikula nitong libro. Dahil ito ay libro para sa mga bata, ang pokus nito ay tungkol sa kahalagahan ng pagkakaibigan. Kung gaano kalakas ang epekto ng kaibigan sa buhay natin.
Nagsimula ang kuwentong ‘to sa isang mahinang biik na dapat kakatayin ngunit hindi pinahintulutan ng batang babae na si Fern na mangyari iyon. Inalagaan ni Fern si Wilbur, ang baboy, hanggang sa lumakas siya at nilipat sa sakahan ng kamag-anak niya noong naisip ni Fern na kakatayin din si Wilbur pagkalaunan. Sa bagong tirahan ni Wilbur, nakahanap siya ng kaibigang gagamba na si Charlotte. Si Charlotte ang pumipigil sa pagkatay kay Wilbur gamit ang kanyang agiw. Gumagawa siya ng mga sulat o salita gamit ang kanyang agiw. At dahil doon, naniwala ang mga tao na milagro iyon at hindi na kinatay si Wilbur. Bagkus, naging sikat si Wilbur dahil sa mga ginagawa ni Charlotte. Pagkalaunan, kinailangan nang mangitlog ni Charlotte, at ibig sabihin ng iyon ay mawawala na rin siya. Sinabihan niya si Wilbur na siya nang bahala sa mga itlog niya pag namatay na siya. Hanggang sa namatay na nga si Charlotte at si Wilbur na ang lumimlim sa mga iniwan ni Charlotte. At noong nakalabas na ang mga anak ni Charlotte ay iniwan sila ni Wilbur pero nanatili ang tatlong anak ni Charlotte. Doon na nagtatapos ang istorya.
Noong binasa ko yung libro hindi pa ako masyadong nahilig dito pero noong pinanood na namin yung pelikula naalala ko na naiyak ako. Lalo na sa parteng namamaalam na si Charlotte kay Wilbur. Parang ang sakit kasi na napalapit ka na sa tao tapos malalaman mo na maghihiwalay rin pala kayo. Tipong hanggang alaala na lang yung mababalikan mo, hindi na yung tao. Sa murang edad, tumatak na sa isip ko na yung mga taong kasama natin ngayon ay di mananatili sa buhay natin dahil sa librong ito. Aalis din sila pagkalaunan kaya dapat pinahahalagahan na natin yung mga taong espesyal sa atin habang nandyan pa sila. Para kung mawala man sila ay di natin pagsisisihan na may mga bagay na hindi natin nasabi o nagawa kasama sila.
Dahil sa librong ito, mas naging mapili na ako sa mga taong gusto kong kasama dahil syempre kung masasaktan ka lang sa pag-alis nila edi dapat mas piliin mo yung mga taong nararapat yung dahilan ng sakit.
Inirerekomenda ko ang librong ito sa mga bata. Isa na sa mga dahilan ay ito ay isang children’s book. Pati mahalaga na malaman nila yung kahalagahan ng kaibigan sa edad nila. Para hindi sila yung tipong maging walang pagpapahalaga sa mga kasama nila.