Reflection Paper: The Doomsday Conspiracy by Sidney Sheldon

Itong libro ay nabasa ko lamang dahil gusto ko subukan ang ibang tema ng libro. Ito ay pinaghalong Sci-Fi at Thriller kaya medyo naintriga ako kung paano ito pinagkonekta.

Tungkol ito sa aliens. Madalas na daw kasing makakita ng mga UFO ang mga tao sa istoryang ito. May bumagsak daw kasi na UFO sa Switzerland at maraming turista ang nakasaksi sa naganap. Ang bida, bilang isang agent, inatasang hanapin ang mga nakakita sa nangyari at paalalahanan sila na huwag ipagkalat kung ano yung nakita nila. Pero yung totoo, hindi UFO yun kundi isa lamang tagong grupo. At sa tuwing nakakausap ng bida ang mga saksi, misteryoso silang namamatay. Sa dulo ng libro ay nakasaad yung mga niresearch tunay na impormasyon galing sa awtor ng libro. Yung mga insidente ng pagkamatay ng mga karakter sa kwento ay hinango niya mula sa tunay na buhay. Ito daw yung mga death ng mga scientists mula sa iba’t ibang lugar.

May mga iba pang mga naganap sa istorya pero hindi ko na babanggitin dahil hindi naman yun mga ganoon ka-importante.

Para sa akin, hindi ko masyadong nagustuhan ang librong ito. Siguro dahil na rin sa tema nito na hindi ako sanay basahin. Nainip agad ako sa takbo ng istorya. Yung para bang gusto ko na agad tapusin. Pero sa tingin ko naman magugustuhan ito ng mga tunay na mahihilig sa mga ganitong klaseng nobela.

Reflection Paper: StrengthsFinder 2.0 by Tom Rath

Ang librong ito ay inirekomenda sa aming mga estudyante ng propesor namin sa isang asignatura. Ibig niya kasing malaman kung ano ang katangian namin bilang isang indibidwal. Nakasaad kasi rito kung ano yung mga kalakasan ng isang tao.

May pagsusulit kasi sa librong ito upang malaman ang uri namin. Mayroong nakalagay na code sa libro, at bawat kopya ng libro ay magkakaiba ang codes. Ang code na iyon ang ilalagay namin sa website na ibinigay ng libro. At kapag nailagay na iyon ay maaari na naming sagutan ang test at doon na rin namin malalaman ang strengths namin. Pagkatapos mo namang sagutan, nakalagay na sa libro ang mga deskripsyon ng mga kalakasan mo at mga payo kung paano mo sila magagamit nang wasto.

Para sa akin, nakakatuwa ang adhikain ng librong ito. Dahil dito mo malalaman kung saang aspeto ka magaling at malalaman mo kung anong klase kang tao. At mawawari mo kung ano yung mga parte sa sarili mo na puwe-puwede mong baguhin para sa ikabubuti mo. Para ito sa mga taong di pa lubos na kilala ang sarili nila. Alam kong may mga ganoong klaseng tao kasi ganoon ako. Minsan iniisip ko kung ano ba talaga ako kasi para bang minsan, di ko kilala sarili ko. Kaya makakatulong talaga ito sa lahat lalo na sa mga kagaya ko.

Inirerekomenda ko ang librong ito sa lahat para maging self-aware tayo. Kasi kapag naging self-aware tayo, mas makakagawa tayo ng mga tamang desisyon. Pag nakagawa tayo ng tamang desisyon, magiging masaya tayo at magiging kuntento. Kung papaiksin ko ang sinabi ko, maganda ang librong ito upang makahanap at makamit natin ang kapayapaan.

Reflection Paper: Jip: His Story by Katherine Paterson

Nang mabasa ko ang librong ito, medyo naluha ako dahil sa lungkot ng mga pangyayari. Maski piksyon lang ang storyang ito, di ko pa rin napigilan. Drama ang tema nito maski napag-alaman ko na ito ay libro para sa mga bata.

Itong libro ay tungkol sa abandonadong supling na iniwan lang sa isang sakahan. Nang lumaki si Jip, ang inabandonang supling, nagtrabaho siya roon. Kuntento na siya sa pag-alaga ng mga hayop at pagsaka kaya wala siyang reklamo roon. Wala siyang alaala sa nakaraan niya, ni hindi nga niya alam kung ilang taon na siya at ang pangalan niya ay galing lang sa mga residente sa bayan nila. Ang mga residenteng namamalagi roon ay matatanda na at may kulang sa pag-iisip. Isang araw, may dumating na matandang lalaki na nambubulabog sa bayan nila. At dahil dito, kinulong ng mga residente ang lalaking yun sa hawla. Pinuntahan siya ni Jip at kinausap nang mahinahon, nilinis din niya ang lalaking iyon na ang pangalan ay Put. Sa sumunod na araw, bigla na lang nagulat si Jip dahil nasa katinuan na ang matandang lalaki at nakakausap na niya ito nang maayos. Naging mabuti silang magkaibigan. Pagkatapos ng ilang tagpo, may dayo na laging napunta sa bayan nila at hinahanap si Jip. Noong nahanap na niya, sinabi niya kay Jip na alam niya kung ano pinagmulan ni Jip at gusto niya itong dalhin sa ama niya. Ngunit maski gustong-gusto ni Jip malaman ang mga iyon, hindi niya pa rin magawang pagkatiwalaan ang dayo.

Nakitira muna si Jip at si Put kila Luke para mapalayo sa bayan nila at ayun din ang payo ng guro niya noong nag-aral siya. Nang makilala niya si Luke, nalaman na niya ang pinagmulan niya. Kwinento ni Luke at nanay ni Luke na si Jip ay anak ng isang babaeng alipin na kakilala nila. Pinagsamantalahan daw nung amo ang ina niya kaya siya ay nabuo. Noong sanggol si Jip, tinakas siya ng nanay niya. At may umalok daw sa nanay niya ng sakay ng isang lalaki para di sila mahirapang mag-ina. Pumayag naman ang ina ni Jip ngunit napagtanto niya na mali ang direksyon ng lalaking iyon at ang plano pala ay isasauli siya ng lalaki. Upang mailigtas ang sanggol na si Jip, tinulak niya ito sa sakayan at ang nanay niya ang nahuli. Sinabi niya na namatay na ang anak niya.

At ngayon ang lalaking iyon, na isa palang tagahuli ng alipin, ay nakita si Jip at nawari agad kung sino siya. Gusto raw siya makita ng ama ni Jip, hindi para alagaan siya ngunit para gawin niya itong alipin. Sa batas kasi alipin niya pa rin ang anak niya dahil alipin din niya ang ina nito. Isa lamang ari-arian ang tingin niya kay Jip.

Tumakas si Jip kasama si Put dahil nabisto na ng ama niya at ng tagahuli ng alipin kung saan sila namamalagi. Pumunta sila sa bahay ng guro ni Jip ngunit sinundan sila ng tatay niya, tagahuli ng alipin, at pulis. Nagkaroon ng gulo roon at sa kadahilanang iyon, namatay si Put at yung nanghuhuli ng alipin. Pinagtanggol siya ng guro niya na dapat may maayos na kalakaran dahil nakalagay iyon sa batas kaya tuloy di agad binigay ng pulis si Jip sa tatay niya ngunit kinulong na lang muna.

Tumakas si Jip sa kulungan papuntang Canada dahil doon naman niya talaga balak mamalagi. Nakilala niya roon ang lalaking binanggit dati ng kanyang guro at naging parte na siya ng pamilya ng lalaking iyon. Sa huli, lumipas na ang ilang taon at plano ni Jip na bumalik sa Estados Unidos (kung saan siya galing) para puksain ang pang-aalipin sa mga tao.

Ang panahon sa storyang ito ay noong 1847 pa kaya karaniwan ang pang-aalipin. Kung para sa mga bata ang librong ito, maganda na mabasa nila ito upang malaman nila kung gaano kahirap mabuhay sa nakaraang panahon. Sa katunayan, pati matatanda ay pwede rin ito basahin. Para mapagtanto nila na maski di maganda ang takbo ng mundo ngayon ay mas swerte pa rin sila kaysa sa mga sinaunang tao. Sa panahon kasi natin ngayon marami nang tao na mataas ang tingin masyado sa sarili nila, privileged kumbaga. Kaya mabuti na rin na mabasa nila itong libro na maski piksyon, may aral pa ring mapupulot.

 

Reflection Paper: The Hungry Self by Kim Chernin

Tinatalakay sa librong ito ang hirap ng mga pinagdaraanan ng mga babaeng may eating disorders. Yung hirap na pagkanakikitaan na ngang may sintomas sinasabihan pa ng maarte o kaya guni-guni lang iyon. Nakalagay rin dito yung importansya ng suporta galing sa pamilya. Ang hirap kasi na pag may pinagdaraanan ka na ngang problema tapos kinukutya ka pa ng mga taong dapat sumusuporta sayo.

At dahil diyan, nakaugnay ko sa aking sarili ang librong ‘to. Hindi ko naman sinasabing may eating disorder ako pero hindi ako komportable sa katawan ko. May mga panahon lalo na dati na pakiramdam ko na ang panget ng ang pigura maski sabihin ng iba na maganda naman. Ewan ko kung bakit, pero siguro dahil na rin sa impluwensya ng lipunan sa akin.

Maski sa simpleng komersyal at sa social media, makakakita ka ng mga tao na mas ginugusto nila yung magagandang kurba kasi yun yung pamantayan ng lipunan. Kaya naiimpluwensyahan ang mga tao na sumunod sa pamantayan na iyon lalo na yung mga hindi panatag sa sarili. Sa sobrang pagnanais ng taong magustuhan ng iba, nakakagawa sila ng mga bagay na maaaring ikasira ng kanilang sarili.

Marami akong natutunan sa librong ito maski may pagkaluma na kaya ngayon, medyo nauunawaan ko na yung mga iba’t ibang eating disorders. Masyadong personal ang librong ito sa akin dahil tinatalakay nito ang isa sa mga insecurities ko. Kakailanganin ang matinding pag-unawa at pagtitiyaga para matapos ang librong ito.

Reflection Paper: Simon vs the Homo Sapiens Agenda by Becky Albertalli

Itong libro ay isa sa mga nabasa ko kamakailan lamang. Pinanood ko rin ‘to kaya may mga napansin ako na mga mahahalagang pagkakaiba ng pelikula at libro.

Ayon sa pelikula, ito ay tungkol sa isang lalaking teenadyer na binabae ang puso. Nagsimula ang istroya sa nakakita ang bidang karakter na si Simon ng website. Sa website na iyon ay may nakasaad na liham tungkol sa isang lalaking teenadyer din na nag bulgar na siya ay bading. At dahil doon, nakaugnay ni Simon ang lihim na gumawa ng liham. Nagsimula na silang magpalitan ng emails at lumalim nang lumalim ang kanilang ugnayan pagkalipas ng ilang panahon. Ngunit dahil sa pagkapabaya ni Simon, naiwan niyang bukas ang kanyang account sa silid-aklatan at nakita ng taong may gusto sa kaibigan niya na si Abby. Sinamantala ng lalaking iyon ang pagkakataon na upang makasama niya si Abby. Pero nung tinanggihan ni Abby ang pag-ibig ni Martin (tagahanga ni Abby), kinalat ni Martin ang sikreto ni Simon. Kinamuhian siya ng halos lahat sa kanyang paaralan. Ngunit tinanggap naman siya ng kanyang pamilya. Sa tagpong iyon, tumigil na magreply ang kanyang ka-email na labis na ikinalungkot ni Simon. Sa huli, nagkita rin sila ng lalaki sa tsubibo at naging “sila”.

Isa sa mga pinagkaibahan ng libro sa pelikula nito ay may mga karakter na mayroon sa libro pero wala sa pelikula, gaya ng isa pang kapatid na babae ni Simon. Mayroon din namang karakter na naroon sa pelikula pero hindi naman sinaad sa libro, gaya ng kanilang bise prinsipal.

Masyadong marami ang kanilang pinagkaibahan para isa-isa pang isaad dito. Sa kabilang banda, nagustuhan ko pa rin ang istoryang ito. Dahil tinatalakay dito na maski sa panahon ngayon, hindi pa rin tanggap ng society ang mga bakla at iba pang kasarian bukod sa babae at lalaki. At dahil doon, madaming negatibong epekto sa mga kasariang ito na dapat hindi na nangyayari. Sa totoo lang, sobrang kinilig ako sa istoryang ito kasi parang ang dalisay ng relasyon ng dalawang karakter. Na maski di naman talaga sila nagkikita, nagkagusto pa rin sila sa karakter ng isa’t isa kaya rin sobrang nirerekomenda ko ito sa lahat.

 

Reflection Paper: “Death by Crystal” by Agnes Bushell

Itong librong ‘to ay sobrang misteryoso. Napakagaling ng pagkakasaad ng mga tagpong di inaasahan.

Tungkol ito sa dalawang magkakamping detektib na may natagpuang bangkay ng isang lalaki. Noong natagpuan nila ang bangkay ay napag-alaman nilang namatay ito nang dahil sa malaking amatistang kristal. Habang sila’y naghahanap ng ebidensya, nakasalamuha nila ang iba’t ibang tao na may kinalaman sa ilegal na droga o kaya sa gobyerno.

Dahil sa sensitibo ang tema ng istoryang ito, hindi ko ito inirerekomenda sa mga kabataan kasi baka hindi nila gaanong masagap yung nilalaman ng istoryang ito. May pagka-ekslusibo rin ito at tiyak na magugustuhan ito ng mga mas nakakatanda dahil sila ang may mas nakakaalam sa mga nangyayari at nagaganap sa bansa kaya baka mas makaugnay o makarelate sila rito.

Mahahalata rin pag binasa ito na pinag-isipan nang mabuti ang bawat tagpo dahil nakakasabik sa mga mambabasa ang mga nagaganap sa bawat eksena rito. At dahil sa 3 star ang binigay na puntos dito, tiyak na maganda talaga ang librong ito kasi may pruweba. Alam ng awtor kung paano makuha ang atensyon ng mambabasa kaya tiyak na pag binasa ito ay laging kapanapanabik at hindi nakakabagot.

Reflection Paper: To All the Boys I’ve Loved Before by Jenny Han

Itong libro ay ginawan ng isang pelikula na kakalabas lang noong mga nakaraang linggo. Isa rin itong sikat na pelikula dahil sa mga karakter na tunay na nakakatuwa. Kaya siguro maraming nahuhumaling dito ay dahil sa nakakaugnay ng mga karakter ang mga tao sa tunay na buhay. Ngunit may pinagkaiba sa mga ganap sa may libro at sa pelikula. Maliliit na pagkakaiba ngunit nakakabago ng buong istorya.

Ang kuwento na ito ay tungkol sa isang dalaga na nagsulat ng mga liham para sa kanyang mga nagugustuhan nang sobra at itinatago niya ito sa isang kahon. Ngunit isang araw, nawala na lang bigla ang kahon na iyon at nalaman ng mga nagustuhan niya ang tungkol sa liham para sa kanila. Sa sobrang kahihiyan, nakipag panggap siyang may nobyo para maisip ng mga nagustuhan niya na hindi na sila gusto. Pumayag din ang kanyang pekeng nobyo, si Peter, para magselos ang kanyang dating nobya. At sa pag papanggap na iyon, sina Lara at Peter ay may nabuong pag-ibig para sa isa’t isa. Sa dulo ay naging totoo na ang kanilang pekeng relasyon.

Bagay na bagay ang istoryang ito sa mga kabataang kasing edad ko. Matutuwa sila sa istorya na ito dahil magkahalong komedya at pag-ibig ang taglay nito. Naalala ko pa nga kung gaano ako naglupasay dahil dito. Makakaugnay ng mga tinedyer ang mga karakter dito, mararamdaman nila yung mga nangyari sa istorya dahil nangyayari sa tunay na buhay ang mga naganap dito. Sa kabuuan, ito ay isang cute na istorya na puwedeng pampawala ng pagod.

Reflection Paper: Charlotte’s Web by E.B. White

Isa rin ito sa mga librong kinalakihan ko na at tumatak din sa akin. Kung tatansyahin, siguro ako’y siyam na taong gulang noong binasa at pinanood ko ito. Sa totoo lang, kinailangan ko itong basahin para sa asignatura ko noon pero nang dahil doon, natutunan ko itong gustuhin. Lalo na noong pinanood sa amin yung pelikula nitong libro. Dahil ito ay libro para sa mga bata, ang pokus nito ay tungkol sa kahalagahan ng pagkakaibigan. Kung gaano kalakas ang epekto ng kaibigan sa buhay natin.

Nagsimula ang kuwentong ‘to sa isang mahinang biik na dapat kakatayin ngunit hindi pinahintulutan ng batang babae na si Fern na mangyari iyon. Inalagaan ni Fern si Wilbur, ang baboy, hanggang sa lumakas siya at nilipat sa sakahan ng kamag-anak niya noong naisip ni Fern na kakatayin din si Wilbur pagkalaunan. Sa bagong tirahan ni Wilbur, nakahanap siya ng kaibigang gagamba na si Charlotte. Si Charlotte ang pumipigil sa pagkatay kay Wilbur gamit ang kanyang agiw. Gumagawa siya ng mga sulat o salita gamit ang kanyang agiw. At dahil doon, naniwala ang mga tao na milagro iyon at hindi na kinatay si Wilbur. Bagkus, naging sikat si Wilbur dahil sa mga ginagawa ni Charlotte. Pagkalaunan, kinailangan nang mangitlog ni Charlotte, at ibig sabihin ng iyon ay mawawala na rin siya. Sinabihan niya si Wilbur na siya nang bahala sa mga itlog niya pag namatay na siya. Hanggang sa namatay na nga si Charlotte at si Wilbur na ang lumimlim sa mga iniwan ni Charlotte. At noong nakalabas na ang mga anak ni Charlotte ay iniwan sila ni Wilbur pero nanatili ang tatlong anak ni Charlotte. Doon na nagtatapos ang istorya.

Noong binasa ko yung libro hindi pa ako masyadong nahilig dito pero noong pinanood na namin yung pelikula naalala ko na naiyak ako. Lalo na sa parteng namamaalam na si Charlotte kay Wilbur. Parang ang sakit kasi na napalapit ka na sa tao tapos malalaman mo na maghihiwalay rin pala kayo. Tipong hanggang alaala na lang yung mababalikan mo, hindi na yung tao. Sa murang edad, tumatak na sa isip ko na yung mga taong kasama natin ngayon ay di mananatili sa buhay natin dahil sa librong ito. Aalis din sila pagkalaunan kaya dapat pinahahalagahan na natin yung mga taong espesyal sa atin habang nandyan pa sila. Para kung mawala man sila ay di natin pagsisisihan na may mga bagay na hindi natin nasabi o nagawa kasama sila.

Dahil sa librong ito, mas naging mapili na ako sa mga taong gusto kong kasama dahil syempre kung masasaktan ka lang sa pag-alis nila edi dapat mas piliin mo yung mga taong nararapat yung dahilan ng sakit.

Inirerekomenda ko ang librong ito sa mga bata. Isa na sa mga dahilan ay ito ay isang children’s book. Pati mahalaga na malaman nila yung kahalagahan ng kaibigan sa edad nila. Para hindi sila yung tipong maging walang pagpapahalaga sa mga kasama nila.

Reflection Paper: Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa? by Lualhati Bautista

Ang alam ng karamihan ay isa lamang itong pelikula. Ngunit itong pelikula ay hango mula sa librong ganoon din ang pangalan at sinulat ito ni Lualhati Bautista. Makabuluhan ang laman ng istoryang ito dahil maraming mahahalagang tagpo sa istoryang ito na tatatak sa kahit sinong magbasa nito. Sa kadahilanang maganda ang aral na maibabahagi nito kaya rin siguro ito ginawan ng pelikula.

Dito isinuwalat na tunay na mahirap ang maging isang magulang. Mahirap ang maging isang ina. Mula sa tiyan ng ina hanggang sa paglaki ng anak niya ay lagi niya ‘tong inaalagaan. Dahil kapag ina ka wala kang pahinga. Walang break time o dismissal man lang. Kapag naging ina ka, wala ng u-turn. Pag ina ka, buong buhay mo kailangan mong ialay. Kaya maraming sakripisyo ang ginagawa ng mga magulang natin maski sa pang araw-araw nating buhay. Kadalasan hindi natin napapansin ito dahil masyado tayong nag aabala sa ibang mga bagay. Kaya dapat talaga nating pahalagahan ang mga magulang natin. Dapat natin iparamdam na espesyal at tunay tayong nagpapasalamat dahil inaalagaan nila tayo. Hindi rin naman sila pang habang buhay na nandyan para sa atin, kaya habang nandyan pa sila ay iparamdam na natin sa kanila na (maski medyo cheesy ‘to pero,) mahal natin sila.

Naniniwala rin ako na itong librong ‘to ay simbolo rin ng women’s empowerment. Dahil naipakita dito na may kalayaan din ang mga babae na sabihin at gawin ang mga iniibig nilang gawin. Naipakita rin dito yung iba’t ibang pagkatao ng ina, na hindi lang siya nag aalaga ng kanyang mga anak ngunit pati na rin ang kanyang puso. Nakakatuwa kasi hindi ito yung tipikal na mababasa o mapapanood na perpekto yung pamilya, na puro saya lang. Mas makatotohanan ang nangyayari sa istoryang ito, ito yung mas tipikal sa totoong buhay.

Para sa akin, maganda itong istorya dahil mas nabuksan nito ang pananaw ko, na may mga taong posibleng ganito ang pinagdadaanan. Napapaisip na tuloy ako tungkol sa kung anu-ano kaya ang mga pinagdaraanan ng mga nakakasalamuha ko sa pang araw-araw na di ko alam. Naiisip ko rin kung maayos ba ang kalagayan nila o may mabigat silang pasanin. Pakiramdam ko mas naging sensitibo ako para sa ibang tao dahil sa istoryang ito. Ngunit hindi ko masasabing inirerekomenda ko ito sa mga bata dahil sa aking pakiwari ay maguguluhan lamang sila sa takbo ng istoryang ito. Sa aking palagay, mas bagay ito sa mga tumatanda o matanda na dahil mas may kapasidad silang maintindihan ang ganitong kasensitibong paksa.

Reflection Paper: Bud, not Buddy by Christopher Paul Curtis

Ito yung librong masasabi kong may sentimental value sa akin. Marahil dahil habang tumatanda ako, ito yung binabasa ko. Mga nasa 12 taong gulang ako noong binasa ko ito.

Ito ay tungkol sa batang nag ngangalang Bud, patay na ang kanyang ina at ang tatay niya naman ay hindi matagpuan. Siya ay isang African American na nabubuhay noong panahon ng Great Depression. Namamalagi siya sa Flint, Michigan. Magmula noong nawalan siya ng pamilya, tumira siya sa isang bahay-ampunan. May pagkakataon na siya ay nabigyan ng panibagong pamilya ngunit abusado’t mapanakit ang mga ito kaya siya ay tumakas.

Mayroong parte sa istoryang ito na pinatulog siya ng panibago niyang magulang sa isang madilim at maduming silid bilang parusa, at sa kanyang pag gising punung-puno siya ng mga kagat galing sa mga insekto ngunit wala pa ring pakielam ang kanyang panibagong pamilya.

May iniwang flyers tungkol sa isang banda sa Grand Rapids, Michigan ang kanyang ina bago ito mamatay. Naisip ni Bud na iyon ang tanging kasagutan kung paano niya mapupuntahan ang nawawala niyang ama.

At noong natagpuan na niya ang kanyang ama, si Herman E. Calloway, nakita niya na ang pinag-alamang niyang ama ay isang masungit na matandang lalaki. Nasa isang banda ang kanyang “ama”. At ang vocal stylist ng bandang iyon na si Miss Thomas ay ang nagkumbinsi para manatili si Bud sa kanila. Inaruga roon si Bud nang mabuti. At sa pamamalagi niya roon ay napag-alaman nila na hindi ama ni Bud ang lalaking iyon, kundi ama ng kanyang ina. Napag-alaman din na may tampo ang kanyang ina sa kanyang lolo na pinutol na ng kanyang ina ang komunikasyon nila sa kanyang lolo. Marahil kaya rin hindi sila magkakilala. At dito na rin nagsimula ang relasyon ng maglolong iyon.

Itong istorya ay magkahalong drama at komedya na binibigyang pansin ang paksang humanity kaya siguro naging interesado akong basahin ito. Sa bawat pahina ay lagi nitong nakukuha ang aking atensyon kaya’t natapos ko ang librong ito. Kaya rin inirekomenda ko ito sa mga bata dahil di sila mababagot sa pagbasa nito.